Monday, February 2, 2009

Black Forest Cake*

Mapait, matamis at nakalalasing
ang cherries, icing at chocolate na itim
at ang kwento nating puno ng panimdim,
kaya’t paglimot dito ang aking hiling.














Ang kagat ko sa cake kasunod ay hibik
na para bang pagdampi ng iyong bibig
sa tuwing ikaw sa akin ay hahalik--
nakalalasing, matamis at mapait.

















Pag natutunaw na ang cake sa ‘king dila
luha ko ay ulan na ayaw tumila
sapagkat ang tamis nawawalang kusa
kapalit ay pait ng ‘yong pag-ulila.



















Sa bawat sandali’y aking ninanamnam
ang black forest cake ng iyong pagmamahal,
wala na ang tamis na inasam-asam
at lasing na sa pait ng pakiramdam.













Subalit ika’y sadyang nananatili;
mga alaala mo’y nar’yan palagi
sa black forest cake na ikaw ang pumili,
may tamis, may pait na di napapawi.







*a Malikhaing Pagsulat sa Filipino exercise (MPs110)

No comments:

Post a Comment

Share